-- Advertisements --

Nagbigay ng kanyang huling paggalang si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin “Benhur” Abalos Jr. sa limang rescuer na nasawi sa pananalasa ng Super Typhoon Karding habang binisita niya ang kanilang burol sa Bulacan Capitol Gym sa Lungsod ng Malolos.

Pinuri ni Abalos ang kabayanihan ng mga nasawing rescuer ng Bulacan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) na pawang namatay sa pagsisikap na magligtas ng buhay.

Nauna nang nagpahayag ng pakikiramay si Abalos at pinuri ang mga yumaong rescuer na sina Narciso Calayag, Jerson Resurreccion, Marvy Bartolome, George Agustin, at Troy Justin Agustin na tinawag niyang “magigiting na bayani” dahil sa “pagbibigay ng isang malinaw na testamento ng tunay na serbisyo publiko kahit na ang kapinsalaan ng kanilang buhay.”

Magugunitang ang lima, habang papunta sa isang rescue mission, ay nawawala sa kasagsagan ng “Karding” noong Setyembre 25.

Sinabi ng mga lokal na awtoridad na namatay sila matapos tangayin ng flash flood habang nasa bayan ng San Miguel.

Nadiskubre ang kanilang mga bangkay bandang alas-4 ng umaga nang sumunod na araw.