Seryosong pinag-iisipan ng Department of Transportation (DOTr) ang pagpapatupad ng isang ‘shame campaign’ na naglalayong supilin ang mga abusadong motorista sa kalsada. Ito ay isang hakbang na nakikita ng ahensya upang maging mas epektibo sa pagdisiplina sa mga indibidwal na patuloy na lumalabag sa mga batas trapiko.
Ayon kay DOTr Secretary Vince Dizon, kasalukuyang pinag-aaralan nang masusi ang posibilidad ng lingguhang paglalabas ng isang listahan na naglalaman ng mga pangalan ng mga motorista na nagtala ng pinaka-mabibigat na paglabag sa mga regulasyon ng trapiko.
Ipinaliwanag ng kalihim na ang pangunahing layunin ng ‘shame campaign’ ay upang magsilbing isang aral at babala sa buong publiko. Nais ng DOTr na iparating ang mensahe na ang paglabag sa batas trapiko ay may kaakibat na consequences, hindi lamang sa legal na aspeto kundi pati na rin sa reputasyon ng isang tao.
Batay sa mga datos na inilabas ng DOTr, sa nakalipas na anim na buwan, umabot na sa 2,008 show cause orders ang naibigay sa mga motorista na may mga paglabag, at 420 lisensya ang tuluyang binawi dahil sa paulit-ulit o malalang paglabag sa batas trapiko.
Sa kabila ng mga hakbang na ito, tila hindi pa rin umano natututo ang maraming motorista at patuloy pa rin sa kanilang mga paglabag.