BUTUAN CITY – Kasong grave scandal ang isasampa laban sa pitong kalalakihang nambastos sa paanan ng tatlong krus sa may Sitio Mahayahay, Brgy. Anticala nitong lungsod ng Butuan.

Matatandaang binastos ng nasabing grupo ang naturang lugar na venue ng Panaad 2019 bukas nang isa sa kanila ang naghubad ng brief kung kaya’t kitang kita ang kanyang ari habang tinakpan naman ng T-shirt ang kanyang mukha.

Habang ang isa pa ay bahagyang naghubad naman ng kanyang pantalon at ipinakita ang kanyang puwet at ang isa pa ay nakatalikod habang naka-brief lamang.

Ayon kay Police Captain Henry Samillano, hepe ng Butuan City Police Station-4, pursigido si Brgy. Kapitan Antonio Masamayor na kasuhan ang naturang grupo lalo na sina Jimboy Buling Andojoyan, 24 at Lodimar Golani Herbojino “alyas Pimang” 26, parehong mga binata at residente ng P-3, Brgy. Anticala.

Damay din sa kaso ang mga kasamahan nitong sina Jody Dandanon, 20; Efren Cabiguin, 21; Emilio Egom, 21; Ariel Ego at Johans Malaque, 20.

-- Advertisement --

Kinumpirma naman ni Kapitan Antonio Masamayor na hindi mga deboto Katoliko ang nambastos na mga indibidwal na aminadong balewala lamang umano sa kanila ang kanilang ginawa sabay hingi ng dispensa.