TACLOBAN CITY – Nananawagan kay Pangulong Rodrigo Duterte ang mga kaanak ng mga sundalo na nagbuwis ng buhay sa nangyaring engkwentro sa Borongan City, Eastern Samar na mas lalong paigtingin pa ng gobyerno ang kampanya laban sa mga New People’s Army (NPA).

Ayon kay Ma. Generose Jadulco, asawa ng nasawi sundalo na si Sgt. Rex Jadulco, ang pagpapalakas ng kampanya ng gobyerno laban sa mga rebelde ay mangangahulugan na wala ng sundalo ang magsasakripisyo ng sariling buhay kung tuluyan ng mawawala ang mga New People’s Army.

Ayon pa rito, hindi pa rin niya matanggap ang nangyari sa kanyang kabiyak pero patuloy siyang magpapakatatag dahil alam niya na hindi mapupunta sa kawalan ang buhay ng kanyang asawa lalo pa’t naipakita nito ang serbisyo sa bayan hanggang sa kanyang huling hininga.

Sa ngayon patuloy na nilalamayan ang mga labi ng anim na sundalo sa Camp General Vicente Lukban ha Catbalogan City, Samar habang hinihintay ang pagdating ni Presidente Duterte.