-- Advertisements --

Itinanggi ng state witness at whistleblower na si Julie “Dondon” Patidongan na mayroong kaugnayan ang war-on-drugs ng nakaraang administrasyon sa naging pagkidnap at pagpatay sa mga nawawalang sabungero apat na taon na ang nakalilipas.

Ito ang kaniyang naging sagot sa naging pagtatanong ng Bombo Radyo Philippines kay Patidongan hinggil sa mga naging pahayag ni Department of Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na maaaring mayroong kaugnayan ang war-on-drugs ng administrasyong Duterte sa kasong ito ng mga sabungero.

Ayon kay Patidongan, umiikot lamang sa sabungan ang kaso ng mga nawawalang sabungero at walang kinalaman sa droga o kahit anumang ipinagbabawal na gamot.

Bagamat may kaalaman din siya hinggil sa ilang personalidad na sangkot sa kampaniya ng nakaraang administrasyon ay hindi na muna niya ito balak isiwalat sa publiko dahil hindi na aniya ito konektado sa kasalukuyang kaso na nireresolba ng mga otoridad.

Samantala, ang mga pulis naman na kaniyang pinangalanan ay ilan lamang umano sa mga kumukuha sa mga drug lord at tagaligpit din ng ilang mga nadamay sa kampaniya kontra droga ng administrasyong Duterte.

Ito naman ang unang beses na marinig mismo ni National Police Commission (NAPOLCOM) Commissioner Vice Chairperson and Executive Officer Atty. Rafael Vicente Calinisan ang hinggil sa koneksyon ng war-on-drugs sa kaso ng mga sabungero.

Aniya babasahin nilang maigi ang mga affidavit na naisumite ni Patidongan at magkakasa ng malalim na imbestigasyon upang matiyak na lahat ng dapat malaman ay malalaman.

Kung ano din aniya ang ituro ng imbestigasyon at ng mga makakalap nilang ebidensya ay kanilang papanindigan.

Bagamat papaigtingin ang imbestigasyon hinggil sa kaso ay tiniyak ni Calinisan na lahat ng mga sangkot at posibleng masangkot ay mapagbibigyan sa kanilang karapatan para sa due process.

Sa kasalukuyan ay patuloy ang ikinakasang imbestigasyon ng NAPOLCOM sa mga isinumiteng sinumpaang salaysay ni Patidongan habang nagpapatuloy din ang kanilang motu proprio investigastion hinggil pa rin sa naging pagkakaugnay ng ilang pulis sa kasong ito ng mga sabungero.

Patuloy din ang retrieval operationg ng Philippine Coast Guard Southern Tagalog sa Taal Lake kung saan kabuuang limang sako pa rin ang nareretrieve mula sa operasyon.