-- Advertisements --
claire 1

Hinatulan nang Court of Tax Appeals ng pitong taon na pagkakakulong ang veteran singer na si Claire Dela Fuente dahil sa kasong tax evasion.

Batay sa desisyon ng korte, nabigo umano si Dela Fuente na mag-file ng kanyang income tax returns para sa kanyang bus company na Philippine Corinthian Liner Corporation (PCLC) mula taong 1998 hanggang 2004.

Inabot din ng 10 taon ang kasong inihain ng Bureau of Internal Revenue (BIR) kung saan guilty sa pitong counts ng tax evasion si Dela Fuente.

Pinagmumulta rin ng korte si Claire ng P150,000 liban sa pagkakakulong at dagdag pang P50,000 kung hindi siya magbabayad sa orihinal na multa.

Una nang naghain nang not guilty plea si Dela Fuente sa mga kaso dahil noong 2005 lamang daw siya nagsimula sa negosyo at napeke pa ang BIR registrations.

Pero hindi naniwala rito ang korte.

Lumabas daw kasi sa record ng bus firm sa Land Transportation Franchising Regulatory Board, Securities and Exchange Commission at Land Transportation Office na nagsimula ang operasyon ng kanyang negosyo kahit bago pa man ang taong 2005.

Si Claire ay nakilala bilang “Jukebox Queen” noong dekada sitenta at tinagurian siyang “Asia’s Sweetest Voice” at “Karen Carpenter of the Philippines” dahil sa malambing na boses tulad na lamang ng isa sa pamosong awitin niya na “sayang.”