Idineklara ng Korte Suprema na hindi maaaring iproklama bilang nanalong kandidato ang mga second placer o nakakuha ng ikalawang pinakamataas na boto sa halalan sakaling madiskwalipika ang nanalong kandidato.
Sa 37 pahinang ruling na iprinoklam noong Abril 22, sinabi ng Korte Suprema na walang legal na basehan para iproklama ang second placer sa halalan dahil walang batas na nago-otorisa sa proklamasyon ng mga pumangalawa sa halalan.
Ang sinusunod aniya sa ganitong usapin ay ang rule on succession sa ilalim ng Republic Act No. 7160 o ang Local Government Code.
Sa ruling na isinulat ni Associate Justice Samuel Gaerlan, sinabi niyang ang second placer rule ay kontra sa napili ng taumbayan sa bawat halalan at taliwas sa constitutional right ng tao para bumoto.
Hindi din aniya maaaring magpataw ang Korte ng electorate para tanggapin bilang kinatawan ang kandidato na hindi naman nila pinili o ibinoto sa halalan.
Ginawa ng SC ang ruling kasabay ng pagpapatibay sa kanselasyon ng Commission on Elections (Comelec) sa kandidatura ni Datu Pax Ali Mangudadatu bilang gobernador ng Sultan Kudarat dahil bigong masunod ang residency requirement.