Kinumpirma ng National Council on Disability Affairs (NCDA) na sisimulan na sa Hulyo ang pilot testing ng unified persons with disabilities (PWD) ID System sa 35 lungsod at bayan sa bansa upang sugpuin ang paggamit ng pekeng PWD ID na nagdudulot ng bilyong pisong pagkalugi sa gobyerno.
Ayon kay NCDA Executive Director Glenda Relova, layunin ng bagong sistema na magkaroon ng iisang disenyo at issuing authority upang mas madaling mapatunayan ang pagiging lehitimo ng PWD ID.
Mayroon itong RFID at digital version para sa mas ligtas na paggamit.
Batay sa ulat ni Senador Sherwin Gatchalian, umabot sa P88.2 billion ang nawawalang buwis noong 2023 dahil sa pekeng PWD ID.
Ang registration ay magiging digital, ngunit maaaring magtungo sa mga opisina ang mga aplikante kung kinakailangan. Ang mga Persons with Disability Affairs Offices (PDAOs) ay sasanayin upang tumulong sa pagpaparehistro.
Samantala mananatiling valid ang lumang PWD IDs sa loob ng isang taon matapos ang rollout ng unified ID, at pinapaalalahanan ang mga establisyimento na patuloy itong tanggapin.
Kabilang sa mga pilot areas ang Muntinlupa, Pasay, San Mateo, Antipolo, Dagupan, Koronadal, Malaybalay, at iba pa.