Nilagdaan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang batas na lilikha ng mga panibagong posisyon sa hudikatura.
Sa ilalim ng Republic Act 11459 na nag-aamyenda sa Judiciary Reorganization Act of 1980, nasa 100 posisyon ang bubuksan para sa judges-at-large sa Regional Trial Courts (RTC) at 50 naman para sa Municipal Trial Court (MTC).
Ang mga hukom na ito ay aatasan ng Korte Suprema para maging acting o assisting judge sa RTC o MTC.
Nakapaloob sa batas na wala silang permanent sala pero makakatanggap naman kaparehong sweldo, allowances at iba pang mga benepisyo gaya ng regular na hukom.
Ang Judicial and Bar Council (JBC) pa rin ang magrerekomenda kay Pangulong Duterte ng listahan ng pupuwedeng italagang judges-at-large.
Nagtakda naman ang batas ng kuwalipikasyon gaya ng dapat ay natural-born citizen sa Pilipinas, may edad na hindi bababa sa 30 hanggang 35 taong gulang, nag-practice ng abokasya sa bansa na hindi bababa sa lima hanggang 10 taon o kaya ay humawak na ng posisyon sa gobyerno na para lamang sa mga abogado.
Batay sa batas, kukunin ang pondo para rito sa taunang budget ng hudikatura habang ang Korte Suprema, katuwang ang Department of Budget and Management (DBM) ang inatasang bumuo ng implementing rules and regulations (IRR).