Kumalas na ang hukom na humahawak sa kaso na may kaugnayan sa illegal drug trade ni dating senador Leila de Lima
Si Judge Romeo Buenaventura ng Muntinlupa City RTC Branch 256 ay boluntaryong nag-inhibit sa paglutas sa naturang kaso dahil sa alegasyon ng ibang akusado patungkol sa kaugnayan ng hukom sa party.
Ang pag-inhibit ni Judge Buenaventura ay tugon sa inihaing motion for inhibition ng tatlong kapwa-akusado ni De Lima na sina Joenel Sanchez, Ronnie Dayan at dating Bureau of Corrections chief Franklin Jesus Bucayu.
Ayon kay Sanchez itinago ni Judge Buenaventura ang katotohanan na kapatid niya ang abogado na tumulong sa isa pang akusado na si Ronnie Dayan sa paggawa ng affidavit.
Ibinunyag din ni Sanchez na ang kapatid ng nasabing hukom na si Atty. Emmanuel Buenaventura ay nagtrabaho bilang legal adviser ni dating Cong. Reynaldo Umali, na dating chairman ng House Committee on Justice sa kasagsagan ng congressional hearings sa kontrobersiya ni De Lima noong October 2016.
Si Sanchez ay kabilang noon sa pinadalhan ng subpoena para mag testigo laban kay de Lima.
Aniya, dahil dito ay lumalabas na hindi patas sa paghawak sa kaso si Judge Buenaventura.
Ayon naman kay Dayan , ang kapatid ng hukom ang tumulong sa kanya sa paggawa ng affidavit na kalaunan ay kanya ring binawi.
Naghain din ng kaparehong mosyon si Jesus Bucayu dahil sa pagiging “one-sided” umano ni Judge Buenaventura lalo na sa pagbasura sa kanyang mga kahilingan na makapagpiyansa at dahil sa kabiguang sabihin ang katotohanan na kapatid niya si Atty. Emmanuel Buenaventura.
Dahil sa naturang inhibition, muling ira-raffle ang nasabing kaso.