Umabot na sa mahigit ₱1.9 milyon ang tulong na ipinaabot ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga pamilyang naapektuhan ng bagyong Tino sa Bicol, Central Visayas, at CARAGA Regions.
Kabilang sa tulong na ito ang mga pagkain at iba pang kailangan.
Ayon kay DSWD Assistant Secretary Irene Dumlao, inaasahang madadagdagan pa ang halaga ng tulong dahil patuloy pa rin ang pagsusuri ng mga field office ng DSWD sa sitwasyon sa kanilang mga lugar.
Maliban sa mga pagkain at iba pang kailangan, nagpadala rin ang DSWD ng mobile kitchen sa Matnog Port sa Sorsogon upang magbigay ng mainit na pagkain sa mga stranded na indibidwal doon.
Sa kasalukuyan, may 53,570 pamilya o 175,531 indibidwal ang nasa 2,156 na evacuation center sa MIMAROPA, Western Visayas, Negros Island Region, Central Visayas, Eastern Visayas, at CARAGA regions.
Mayroon ding 20,565 pamilya o 65,751 katao ang pansamantalang nakatira sa kanilang mga kamag-anak o kaibigan.















