Tiniyak ng Department of Energy (DOE) na nananatiling sapat ang suplay ng kuryente at langis sa bansa kaugnay ‘yan ng pananalasa ng typhoon Tino sa ilang rehiyon.
Sa pahayag ng ahensya, nakikipag-ugnayan na ito sa mga energy sector stakeholders, kabilang ang power generation, oil, at distribution sectors, upang matiyak ang tuloy-tuloy na serbisyo at agarang restoration ng mga pinadapang line ng bagyo.
Sa pagtaya ng DOE, normal pa rin ang operasyon ng Luzon, Visayas, at Mindanao grids, ngunit may ilang on-grid power plants sa Cebu at Negros Occidental na kasalukuyang inaayos matapos manalasa doon ang bagyong Tino.
Batay naman sa datos ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), dalawa sa mga transmission lines sa Leyte at Surigao ang naibalik na ang linya ng kuryente, ngunit may ilang linya pa ring hindi operasyonal sa Visayas at Negros.
Sa kabuuan, 57 electric cooperatives sa 35 lalawigan ang binabantayan ng DOE; walo rito ang walang kuryente habang labinlima (15) ang may bahagyang power interruption. Tinatayang mahigit isang milyong consumer connections ang kasalukuyang isinasailalim sa restoration.
Kaugnay nito nanatili namang normal ang operasyon ng mga hydropower dams at fuel facilities, habang apat na electric vehicle charging stations sa Cebu at Butuan City ang offline dahil parin sa kawalan ng kuryente.
Ayon naman kay Energy Undersecretary Felix William Fuentebella, patuloy ang koordinasyon ng DOE sa lahat ng energy stakeholders para sa ligtas at mabilis na panunumbalik ng suplay ng kuryente sa bansa.
















