-- Advertisements --

Patuloy umano na magsisilbing isang paglabag sa batas ng Pilipinas ang pananatili ng mga sasakyang pandagat ng China sa Juan Felipe Reef sa West Philippine Sea.

Ginawa ni dating Foreigh Affairs Secretary Albert Del Rosario ang pahayag na ito matapos lumabas ang mga ulat na pinapatawag umano ng Department of Foreign Affairs (DFA) si Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian dahil sa presensya ng Chinese vessels sa nasabing karagatan na matatagpuan sa exclusive economic zone (EEZ) ng bansa.

Nagpahayag din si Del Rosario ng suporta sa hakbang na ito ng DFA. Ang dating top diplomat ay isa sa mga bumuo sa likod ng arbitration case ng Pilipinas laban sa Beijing.

Sa pamamagitan aniya nang pagpapatawag sa kinatawan ng China, ginawa raw ng DFA ang constitutional duty nito na protektahan ang national sovereignty, territorial integrity, at national interest ng Pilipinas.

Ipinaliwanag pa ni Del Rosario na ang nagpapatuloy na pananatili sa Juan Felipe Reef ng mga sasakyang pandagat ng China ay malinaw na paglabag sa Philippine Fisheries Code of 1998.

Nakasaad kasi sa batas na ito na ang pagpasok ng anumang banyagang fishing vessel sa karagatan ng Pilipinas ay magsisilbing prima facie presumption na nangingisda ang mga ito sa karagatan ng bansa.

Noong Lunes lang nang pormal na ipaalam ni DFA Acting Undersecretary Elizabeth Buensuceso kay Huang ang tungkol sa nananatiling presensya ng mga Chinese vessels sa Juan Felipe Reef.