-- Advertisements --

Inamin ni dating Senate President Juan Ponce Enrile na personal na itong nagpaturok ng kontrobersyal na Ivermectin na pinaniniwalaang gamot laban sa coronavirus disease.

Ayon kay Enrile, nakatanggap na rin ng Ivermectin ang kaniyang asawa, anak, mga apo, at maging ang kanilang mga security guards. Ginawa ang hakbang na ito dahil sa mabilis na pagkalat ng deadly virus sa bahay ng dating mambabatas.

Muling inalala ni Enrile ang kaniyang pagpapaturok sa nasabing anti-parasitic drug noong nakaraang buwan matapos maitala sa kanilang compound ang kauna-unahang kaso ng COVID-19 infection.

Matapos sumailalim sa swab test ay napag-alaman na 20 sa kaniyang staff ang positibo sa nakakahawang sakit at halos lahat sa mga ito ay asymptomatic o walang nararanasang sintomas.

Para raw hindi na kumalat pa ang sakit, napagdesisyunan ng 98-anyos na si Enrile na gumamit ng Ivermectin na nakuha umano nito mula sa isang kaibigan, subalit bago raw gamitin ang nasabing gamot ay nagsagawa muna siya ng research tungkol dito.

Dagdag pa ni Enrile na hindi siya nakaranas ng kahit anong side effects noong gumamit ng Ivermectin kaya hinihikayat niya ang lahat na gumamit din nito.

Ang naging pahayag na ito ni Enrile ay tila nagbibigay ng valid arugement sa paniniwala ng ilang doktor na humihikayat sa gobyerno na gamitin ang Ivermectin.

Kung maaalala, namigay ng libreng Ivermectin capsules sa Quezon City si Anakalusugan Rep. Mike Defensor.

Noong nakaraang linggo naman nang aprubahan ng Food and Drug Administration (FDA) ang aplikasyon ng isang ospital para sa “compassionate” special permit ng mga pasyente nito na infected ng COVID-19.