Binigyang-diin ni National Shrine of Our Mother of Perpetual Help Rector Fr. Rico John Bilangel na ang paggunita sa Araw ng mga Santo ay isang paalala para sa bawat isa na ang ‘heaven’ o paraiso ay totoo at hindi lamang isang kathang-isip.
Sa naging homily ni Fr. Bilangel sa misa para sa Solemnity of All Saints sa Manila Cathedral, iginiit ni Fr. Bilangel na ang Kaharian ng Diyos ay hindi lamang para sa mga perpektong tao.
Sa katunayan aniya, ito ay puno ng mga taong pinatawad sa kanilang pagkakasala – mga taong una nang nagsisi at humingi ng pagpapatawad bago namayapa.
Dahil dito, tinitiyak ni Fr. Bilangel na may puwang o lugar para sa bawat isa na nagnanais ding maging bahagi nito, tulad ng mga nauna nang namayapa.
Ayon kay Fr. Bilangel, ang pagiging santo ay hindi nagsisimula sa mga aksyonng bawat isa, tulad ng paggawa ng mabuti.
Aniya, nagsisimula ito sa pananalig at pagtitiwala sa Diyos, sa kabila ng mga problema o hamon sa buhay.
Binigyang-diin din ng pari na ang paggunita sa Dakilang Kapistahan ng Lahat ng mga Banal ay upang magpugay sa kanilang mga nagawa noong sila ay nabubuhay pa sa mundo.
















