jones tnt smb
Photo courtesy of PBA

Nagningning pa rin si import Terrence Jones upang pangunahan ang TNT KaTropa tungo sa 110-97 dominasyon sa San Miguel Beermen nitong Sabado sa PBA Commissioner’s Cup sa Ynares Center, Antipolo, Rizal.

Hindi man umabot sa 40 points gaya ng naunang mga laro, naging epektibo pa ring sandata ng TNT si Jones na pumoste ng nakabibilib na 30 points, 18 rebounds, at limang blocks.

Umalalay din sina Troy Rosario na humataw ng 17 points, at si Jayson Castro na muntik nang maka-triple-double sa kanyang siyam na puntos, 10 rebounds, at 15 assists sa tagumpay ng KaTropa, na tabla na sa NorthPort sa kanilang 4-1 win-loss slate.

Ang Beermen, na nagkampeon sa Philippine Cup noong nakaraang buwan, ay nananatiling bigo matapos ang dalawang laro.

Lubog pa ang Beermen ng hanggang 24 points nang magawa nilang tapyasin ang agwat sa walo sa huling tatlong minuto sa likod ng jumper ni Marcio Lassiter, 97-105.

Agad namang tumugon ang TNT at humugot ng limang hindi nasagot na puntos, tampok ang three-pointer ni Anthony Semerad at ang dunk ni Jones na sumelyo sa kanilang panalo.

Samantala, gumawa naman ng kasaysayan si Von Pessumal na nagpasabog ng walong magkakasunod na three-pointers at nagtapos na may career-high na 24 points mula sa bench, ngunit hindi ito naging sapat para iangat ang Beermen.

Hindi rin nagbunga ang 20 points, 11 rebounds, at dalawang steals ni Charles Rhodes, Lassiter na may 16 points, at June Mar Fajardo na umiskor ng 13 points, 13 rebounds, at tatlong blocks.

Narito ang mga iskor:

TNT 110 – Jones 30, Rosario 17, Pogoy 15, Trollano 13, A. Semerad 11, Castro 9, Reyes 8, Taha 4, Heruela 3, D. Semerad 0, Golla 0, Casino 0.

San Miguel 97 – Pessumal 24, Rhodes 20, Lassiter 16, Fajardo 13, Ross 9, Santos 6, Cabagnot 5, Rosser 2, Standhardinger 2.

Quarters: 35-20, 57-41, 87-64, 110-97.