Planong bumuo ngayon ng Department of Information and Communications Technology ng isang Joint Task Force bilang hakbang para panagutin ang mga nasa likod ng talamak na online illegal activities sa bansa.
Ito mismo ang inihayag ni Assistant Secretary Renato ‘Aboy’ Paraiso kung saan ibinahagi niyang katuwang sa planong ito ang ilang law enforcement agencies ng Pilipinas.
Aniya’y makakasama nila rito ang Philippine National Police Cybercrime Group, National Bureau of Investigation at maging ang Office of Cybercrime ng Department of Justice.
Sa kanya pang mga ibinahagi, layon ng bubuuing Joint Task Force ang pagsugpo at paglaban kontra illegal online gambling, fake news, troll farms at pati na rin ang online scamming.
Ang kanyang mga ihinayag na plano ng kagawaran ay kanyang binitawan kasunod ng kumalat na video ng isang content creator na naglantad ng umano’y scam hub sa Cebu.
Kung saan ipinakita kasi ng naturang content creator ang ilang mga manggagawang Pilipino na sangkot umano sa pambibiktima ng ilang indibidwal o aktibidad na may kinalaman sa online scamming.
Ngunit matapos nito ay mariin namang pinabulaan ng Department of Information and Communications Technology na walang aksyon na ginagawa ang pamahalaan hinggil rito.
Pagtitiyak kasi ni Assistant Secretary Renato ‘Aboy’ Paraiso na mayroon naman raw ginagawa ang gobyerno upang tugunan ang problema sa talamak na online scamming sa bansa.
Dagdag pa rito, hinimok din ng naturang Assistant Secretary ang mga content creator na makipagtulungan sa kanila upang matugunan ang problema.
Bukas umano aniya ang kagawaran sa isang kolaborasyon sa mga ito nang sa gayon ay mabigyang aksyon ang kanilang mga impormasyon na nasasagap.