Nakapagtala ang Japan ng bagong labimpitong record ng pinakamainit na panahon nitong Lunes, Agosto 4 ayon sa Japan Meteorological Agency (JMA), kasunod ‘yan ng patuloy na nararanasang init sa bansa na nagsimula noong Hunyo hanggang Hulyo.
Isa na dito ang lungsod ng Komatsu sa Ishikawa na umabot sa 40.3°C ang temperatura—ang pinakamataas na naitala roon. Sa Toyama City naman, umabot sa 39.8°C ang init na siyang naitalang bagong record mula nang magsimula ang monitoring ng bansa.
Ayon sa JMA, 15 pang lungsod at bayan sa Japan ang nakapagtala ng bagong high temperatures mula 35.7°C hanggang 39.8°C.
Noong Hulyo 30, naitala rin ang pinakamataas na temperatura sa kasaysayan ng Japan na umabot sa 41.2°C sa Hyogo.
Nabatid na ang matinding init ay kasabay ng maagang pagtatapos ng tag-ulan sa mga kanlurang rehiyon, halos tatlong linggo nang mas maaga kaysa karaniwan.
Dahil dito, bumaba ang antas ng tubig sa mga dam sa hilaga ng bansa, na nagdulot ng pangamba sa mga magsasaka tungkol sa kakulangan ng patubig at mababang ani.
Ayon sa mga eksperto, maagang namumulaklak ang mga cherry blossom, at ang niyebe sa Mount Fuji ay naantala ang paglitaw hanggang Nobyembre —pinakamatagal sa kasaysayan.
Nagbabala naman ang ahensya sa publiko na patuloy ang banta ng matinding init sa mga susunod na buwan, bunga ng tumitinding climate change.
Sa global na datos ng NOAA (US National Oceanic and Atmospheric Administration), ang Asia ang isa sa mga kontinente na may pinakamabilis na tumaas ang temperatura mula 1990, kasunod ng Europe.