James Jimenez
Comelec Spokesman James Jimenez

VIGAN CITY – Muling iginiit ng Commission on Elections (Comelec) na naipaliwanag umano nila nang mabuti ang buong konsepto ng “meet-me-room” bago pa ang ginanap na midterm elections noong May 13.

Ito ay matapos na muling humingi ng paliwanag hinggil sa nasabing isyu ang Mata sa Balota na isang election transparency watchdog sa ginanap nilang media forum nitong Martes ng umaga.

Una nang sinabi ng isang election lawyer na mayroon umanong “meet-me-room” na ginamit bago ipinadala sa transparency server ng Comelec ang mga election results na mula sa iba’t ibang presinto sa buong bansa kaya nagkaroon ng halos pitong oras na delay sa pagdisplay ng mga resulta ng botohan na kaagad namang sinagot ng poll body at sinabing naipaliwanag ito ng mabuti sa mga inimbitahan nilang local source code reviewers.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni Comelec spokesman James Jimenez na kasama pa sa mga tumingin sa 11 source code na idinaan sa review ay ang mga representatives ng iba’t ibang political party.

Tiniyak pa ni Jimenez na mismong ang mga local source code reviewers ang mismong nagsabi na secured ang ginawang sistema sa nasabing halalan.

Maaalalang nagkaroon ng iba’t ibang ispekulasyon mula sa mga election lawyers at analysts sa bansa ang delayed na pagpapadala ng election data sa transparency server ng Comelec noong May 13 na siyang naging basehan ng halos lahat ng media entities sa resulta ng naganap na botohan.