Pinalagan ni House Deputy Speaker Janette Garin ang mga ulat na nagbabalak ang administrasyon na maglunsad ng Charter change (Cha-cha) at pagpapahaba ng termino ng mga opisyal kung sakaling mabigo ang impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte sa Senado.
Ayon kay Representative Garin, walang katotohanan ang mga kumakalat na balita at tinawag niya itong “pure chismis” lamang.
“This is pure chismis. There is absolutely no truth to these claims. Public officials should be responsible with their statements because these kinds of rumors only confuse and mislead the public,” pahayag ni Garin.
Ito ang naging reaksiyon ng mambabatas matapos palutangin ni Senator Imee Marcos ang posibilidad na amyendahan ang Saligang Batas kapag kulang ang boto ng Senado para madiin ang Bise Presidente.
Binanggit din ng senadora ang umano’y panukala na itulak ang tatlong taong dagdag-termino para sa mga nakaupong kongresista at para sa kaniyang kapatid na si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Binigyang-diin ni Garin na ang mga alegasyong ito ay mapanlinlang at may motibong politikal upang ilihis ang totoong isyu at ibaling ang sisi sa administrasyon, lalo’t alam ng publiko na mariing tinututulan ng mga Pilipino ang anumang senaryo na walang eleksyon (no-election scenario).
Tiniyak ni Garin na walang ganitong usapin sa House of Representatives at nakiusap sa mga kapuwa pinuno ng pamahalaan na huwag gamiting sandata ang mga haka-haka sa gitna ng sensitibong sitwasyon ng bansa.
“The impeachment process is already provided for under the Constitution. We should not poison public discourse with imaginary scenarios and conspiracy theories meant to create fear and division,” dagdag ni Garin.
















