-- Advertisements --

Hindi na magbubukas ang Commission on Elections (COMELEC) ng filing ng Certificate of Candidacy (COC) para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) kung magiging batas ang panukalang nagpapaliban sa halalan bago ang September 28.

Ayon kay COMELEC Chairman George Erwin Garcia, nakatakda ang COC filing mula September 28 hanggang October 5 para sa November 2 elections.

Kung magiging batas naman ito matapos magsimula ang COC filing, agad ding sususpindihin ng COMELEC ang proseso.

Aminado si Garcia na nasa alanganing sitwasyon ang COMELEC sa paghahanda sa halalan dahil kahit maging batas ang postponement, maaari pa rin itong kuwestiyunin sa Korte Suprema.

Sa kabila nito, tuloy ang paghahanda ng COMELEC para sa November 2 elections hangga’t wala pang batas na nagpapaliban dito.

Kabilang sa paghahanda ang deployment ng mga election materials at equipment sa mga malalayong lugar, na inaasahang magsisimula sa unang linggo ng Oktubre.

Nasa walong bilyong piso na ang nagastos ng COMELEC para sa BSKE preparations.

Ayon kay Garcia, nasa Kongreso ang magiging desisyon kung itutuloy o ipagpapaliban ang halalan, habang tungkulin ng COMELEC na ipatupad ang magiging batas.

Hinimok din ni Garcia ang publiko na huwag basta maniwala sa mga kumakalat online na kanselado na ang November 2 BSKE.

Aniya, hangga’t wala pang batas na nagpapaliban sa halalan, mananatili ang November 2 bilang election day.

Kapag naisabatas ang panukala, ililipat ang susunod na BSKE sa ikalawang Lunes ng November 2028.