Napilitan si Senador Imee Marcos na bawiin ang ipinakitang video presentation sa plenary session ng Senado nitong Lunes, Mayo 25, 2026, kaugnay ng umano’y planong “Charter Change” na may kinalaman sa Halalan 2028.
Sa naturang sesyon, ipinakita ni Marcos ang video na naglalaman ng mga alegasyon laban sa ilang kapwa senador na umano’y nagtutulak ng Cha-Cha upang hindi matuloy ang eleksyon sa 2028.
Gayunpaman, agad itong pinabulaanan ng mga miyembro ng minority bloc at tinawag na “fake news” at malisyosong presentasyon.
Mariing tumutol si Senador Migz Zubiri sa naturang video at iginiit na hindi dapat idamay ang ibang senador sa mga alegasyon.
Matapos ang ilang pagtatalo sa sesyon, inalis ni Marcos ang kanyang ipinakitang materyal at sinabing nasaktan siya sa naging reaksyon ng kanyang mga kapwa mambabatas.
“Nakaka-offend din kasi yung mga sinasabi ng ilang senador tungkol sa akin na sadyang sinungaling… lahat ng lumalabas sa bibig ko ay all BS, outright lies,” ani Marcos, na binanggit din ang umano’y mga pahayag na dapat siyang ipasok sa mental institution.
Sa kabila nito, iginiit ng senadora ang kanyang panawagan na tiyaking hindi magkakaroon ng term extension at matutuloy ang Halalan 2028.
“Kapalit niyan, ipangako natin lahat sa ating taumbayan na walang term extension na mangyayari at may eleksyon sa 2028,” dagdag niya.
Agad namang sumang-ayon si Zubiri, na nagsabing lahat ng senador ay nais na matuloy ang eleksyon sa 2028.















