Sinabi ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri na hindi na umano magiging posible ang “Arbitrary” extradition sa sandaling pagtibayin ng Pilipinas ang ASEAN treaty on extradition.
Ini-sponsor ni Zubiri sa Senado ang Senate Resolution no. 623 na humihiling ng concurrence sa ratipikasyon ng treaty.
Inaprubahan ito sa second reading.
Sa ilalim ng kasunduan, magtatakda ito ng mga proseso para sa extradition at mga batayan kung kailan maaaring tanggihan ang isang extradition request.
Sa interpellation ni Senator Imee Marcos, inihalimbawa niya ang nangyari kay dating pangulong Rodrigo Duterte na dinakip noong Marso 2025 at dinala sa The Hague matapos itong isuko sa international criminal court.
Sinabi ni Zubiri na tutol siya sa naturang proseso at iginiit na dapat dumaan sa korte ang extradition.
Ayon kay Zubiri, kailangang dumaan sa formal extradition request, proceedings sa Pilipinas, judicial decision at final at executory court ruling bago maisagawa ang surrender at physical turnover sa requesting state.
Sinabi rin niyang maaaring saklawin ng ASEAN treaty ang kaso ni Pastor Apollo Quiboloy, na hinihiling ng United States na ma-extradite kaugnay ng mga kasong kinakaharap nito doon.
Hindi pa umiiral ang ASEAN treaty on extradition; ayon sa ASEAN, kailangan munang makapagdeposito ng ratification instruments ang Hindi bababa sa anim na signatory states bago Ito mag-take effect.















