Inakusahan ni Senador Imee Marcos ang administrasyon ng umano’y pakikialam sa usapin ng Senado matapos umanong magsalita si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. hinggil sa kontrobersyal na panukalang online voting para sa mga senador.
Sa isang mensahe sa viber nitong Biyernes, Mayo 29, sinabi ng presidential sister na “very obvious” umano ang ginagawa ng administrasyon laban sa majority bloc ng Senado.
“Even the President is now lambasting the Senate and meddling with the online voting issue,” ani ni Senador Marcos.
Nauna rito, tinutulan ng Pangulo ang mungkahing amyendahan ang mga rules ng Senado upang payagan ang online voting. Ayon sa kanya, tila ginawa lamang ang panukala upang payagang makalahok si Senador Ronald “Bato” dela Rosa kahit ito ay hinahanap ng mga awtoridad.
Sinabi rin ng Pangulo na tila si Dela Rosa lamang ang makikinabang sa naturang panukala.
Para kay Senador Marcos, ang mga naturang pahayag ay maituturing na “clear incursions in the constitutional boundaries between executive and legislative,” o malinaw na paglabag umano sa hangganan ng kapangyarihan ng ehekutibo at lehislatura.
“It seems the intent is to paralyze us because they are afraid of what a real Blue Ribbon investigation will reveal,” ani pa niya.
“They want to render us powerless so that the Senate will become a rubber stamp for their plans,” dagdag ng senadora.
Sa ngayon, wala pang opisyal na tugon ang Malacañang kaugnay sa mga pahayag ni Senador Imee.
















