Inilabas na ang report mula sa United Nations Commission of Inquiry ang nagsabing nagsagawa ng genocide ang Israel sa Gaza, at ang mga matataas na opisyal nito, kabilang si Prime Minister Benjamin Netanyahu, na nag-udyok sa mga krimeng ito.
Ayon sa ulat, apat sa limang akto ng genocide ang isinagawa ng Israel, kasama na ang pagpatay, pananakit sa katawan o isipan, pagpapahirap sa pamumuhay, at pagpigil sa kapanganakan ng mga Palestine.
Sinabi ni Navi Pillay, dating judge ng International Criminal Court, na malinaw ang intensyon ng Israel na lipulin ang grupong Palestino sa Gaza.
Pero mariing tinutulan ng Israel ang ulat at tinawag itong “scandalous” at gawa ng umano’y mga “Hamas proxies” ayon sa kanilang ambassador sa UN sa Geneva.
Tumanggi rin ang Israel na makipagtulungan sa imbestigasyon, at iginiit ang karapatan nitong ipagtanggol ang sarili matapos ang pag-atake ng Hamas noong Oktubre 2023.
Sa kasalukuyan, higit 64,000 katao na ang nasawi sa Gaza ayon sa Gaza Health Ministry, habang patuloy ang krisis sa gutom sa rehiyon.
Bagamat hindi opisyal na kinikilala ng UN ang terminong “genocide,” tumitindi ang panawagan mula sa international community na kumilos laban sa mga krimeng ito.