-- Advertisements --

Inakusahan ng Israel ang Hamas ng paglabag sa ceasefire deal matapos matuklasan na ibang labi ang isa sa 4 na labi ng mga bihag na itinurn-over ng grupo mula sa Gaza nitong Huwebes, Pebrero 20.

Base kasi sa resulta ng forensic test sa 4 na labi ng bihag na ni-release ng Hamas, tanging 3 lamang ang nakumpirma ang pagkakakilanlan habang ang isa ay hindi umano ang bihag na Israeli na si Shiri Bibas.

Ayon sa Israeli Defense Forces (IDF), ang 3 katawan na ipinasakamay ng Hamas ay natukoy na mga batang anak na lalaki ni Shiri Bibas na sina Ariel at Kfir habang ang isa naman ay kinilala na si Oded Lifshitz, isang Israeli journalist.

Saad pa ng Israeli military na natukoy sa proseso na hindi tumugma sa alinmang bihag ang katawan na pinaniniwalaang kay Shiri Bibas kayat isa aniya itong anonymous o unidentified body.

Inihayag din ng IDF na brutal na pinatay ng mga terorista ang 2 bata nang dinukot sila noong Nobiyembre 2023 base sa intelligence at forensic finding, taliwas sa nauna ng akusa ng Hamas na napatay ang mga ito kasama ang kanilang ina na si Shiri Bibas sa pambobomba ng Israel sa Gaza.

Samantala, sa isang statement ngayong Biyernes, nagbanta si Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu na pagbabayarin nito ang Hamas sa kalupitan at kasamaan nito sa paglabag sa kasunduan.

Aniya, kikilos sila nang may determinasyon para maiuwi ang Israeli national kasama ng lahat ng mga bihag sa Gaza buhay man o patay na.

Sa ngayon, hindi pa nagbibigay ng komento ang Hamas sa akusasyon ng Israel.