Ipagpapaliban ni Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu ang paglalabas ng desisyon sa military action ng kanilang bansa doon sa Gaza sa susunod na linggo.
Ito ay kapag hindi pumayag ang Hamas sa kasunduan para sa tigil-putukan, ayon sa isang source na pamilyar sa naturang usapin.
Ang hakbang na ito ni Netanyahu ay sa gitna ng mga hindi pagkakasundo sa gobyerno ng Israel kaugnay sa kanilang magiging aksiyon sa Gaza.
Base sa source, may ilang sang-ayon sa plano na palibutan ang Gaza City at iba pang population centers sakaling hindi pumayag ang Hamas sa kasunduan habang ang iba naman ay nais na sakupin ang siyudad. Ang ibang ministro naman ay pabor sa ibang mga plano.
Nitong Huwebes, sinabi ng isang senior Israeli official na bumubuo ang Israel at US ng panibagong kasunduan a Gaza sa gitna ng napaulat na pag-atras ng Hamas mula sa mga negosasyon para sa ceasefire at hostage deal.
Sinabi din ng opisyal na tratrabahuin ng Israel at Amerika ang pagpapataas pa ng humanitarian aid habang ipinagpapatuloy ang military operations sa Gaza.
Subalit, matatandaan na nauna ng sinabi ng Hamas noong Huwebes na committed silang ipagpatuloy ang negosasyon para sa permanenteng tigil-putukan at tuluyan ng pag-withdraw ng pwersa ng Israel mula sa Gaza subalit kailangan muna aniyang mapabuti nang husto ang kondisyon sa Gaza.