-- Advertisements --

Ipinagtanggol ng Embahada ng China sa Maynila ang pagdami ng mga research vessel ng China sa loob ng karagatang sakop ng Pilipinas.

Sa isang statement, muling iginiit ng embahada ang kanilang pag-aangkin sa Spratly islands, na tinatawag nilang Nansha.

Ayon sa embahada, may soberanya at hurisdiksyon umano ang China sa lugar kaya’t legal umano ang aktibidad ng kanilang mga barko roon.

Ginawa ng embahada ang pahayag matapos iulat ng Philippine Coast Guard (PCG) na may 20 hanggang 22 research vessel ng China ang nakapasok sa karagatan ng Pilipinas ngayong 2025.

Mas mataas ang bilang na ito kumpara sa mga nagdaang taon. Isa sa mga namataan ay ang Xiang Yang Hong 05, na sinita ng PCG aircraft malapit sa Babuyan Island ngunit hindi ito tumugon.

Nagsagawa ito ng pananaliksik sa Karagatang Pasipiko at lumapit pa sa Guam bago bumalik sa karagatan ng Pilipinas noong Hulyo 31. Umalis din ito matapos itaboy ng PCG.

Bukod dito, may tatlo pang research vessel ng China ang namataan sa West Philippine Sea kabilang ang Bei Diao 996, Xiang Yang Hong 10, at Zhuhai Yun.

Itinanggi din ng embahada na nagdudulot ang presensiya ng Chinese research vessel ng tensiyon dahil hindi umano makatutulong ang alitan at ang tanging solusyon aniya ay sa pamamagitan ng pag-uusap at negosasyon.