Pansamantalang ipinagbabawal na ng Israel ang pagpasok ng mga banyaga mula sa iba’t ibang bansa dahil sa banta ng COVID-19 (Coronavirus Disease 2019) Omicron variant.
Ang Israel ang kauna-unahang bansa na sinara ang kanilang mga border bilang tugon sa bago at pinaka-contagious o nakakahawang COVID-19 variant.
Gagamit ang Israel ng counter-terrorism phone-tracking technology para mapigilan ang pagkalat ng Omicron variant.
Ayon kay Israel Prime Minister Naftali Bennett, ang ipatutupad na ban ay magtatagal ng 14 na araw.
“The Shin Bet counter-terrorism agency’s phone-tracking technology will be used to locate carriers of the new variant in order to curb its transmission to others,” ani Bennett.
Umaasa ang mga opisyal na sa nasabing panahon ay magkakaroon na ng sapat na impormasyon kung gaano kaepektibo ang COVID-19 vaccines laban sa Omicron na unang na-detect sa South Africa na itinuring na “variant of concern” ng World Health Organization.
“Our working hypotheses are that the variant is already in nearly every country and that the vaccine is effective, although we don’t yet know to what degree,” pahayag naman ni Interior Minister Ayelet Shaked.
Binigyang-diin ni Bennet na ang mga Israeli na pumapasok ng kanilang bansa kabilang ang mga nabakunahan na ay kailangang sumailalim sa required quarantine.
Ang ban ay magiging epektibo sa madaling araw ng Linggo o Lunes.
Nagpatupad na rin ng travel ban ang Israel simula noong Biyernes, lalo na sa mga banyaga nanggagaling sa African states.
Ang bagong variant ay na-detect na rin sa mga bansa gaya ng Belgium, Botswana, Hong Kong, Italy, Germany at Britain.
Una nang sinabi ng mga epidemiologist na ang mga ipinatupad na restrictions ay “too late” na para mapigilan ang pagkalat ng Omicron variant sa buong mundo.
Sa ngayon, may isang kumpirmadong kaso na ang Israel ng Omicron variant habang pito ang suspected cases.
Hindi naman sinabi ng Health Ministry kung ang naturang confirmed case ay bakunado na pero ang tatlo mula sa pitong suspected cases ay fully vaccinated na.
Kung maaalala, sa Eilat City ng Israel gaganapin ang 70th coronation ng Miss Universe sa darating na December 13. (with reports from Bombo Nes Cayabyab-Mercado)