Mahigit dalawang linggo ng isolated ang island-town ng Itbayat, Batanes, ayon sa isang opisyal ng municipal disaster risk reduction and management office (MDRRMO) kasunod ng pananalasa ng nagdaang mga bagyo at habagat.
Liban dito, nagkakaubusan na ang basic commodities gaya ng bigas, mais, feeds at iba pang produkto na naapektuhan ng mga kalamidad na nanalasa sa isla sa loob na ng dalawang linggo.
Manipis na rin ang suplay ng gasolina at diesel sa isla.
Base sa designated officer ng MDRRMO ng Itbayat na si Nilda Garcia, hindi pa nakakarating sa kanilang lugar ang cargo ships at mga bangkang magdadala ng mga suplay mula sa Basco at mainland Luzon.
Hindi aniya makabiyahe ang mga ito dahil sa masamang kondisyon sa dagat.
Ang ipinamahagi aniya ng municipal social welfare office na food packs sa mga residente ay hindi nagtatagal ng dalawang linggo lalo na sa mga pamilya na may maraming miyembro.
Subalit. nakahanda naman aniya ang ahensiya na magbigay muli ng food packs sakaling hindi dumating ang mga bangkang magdadala ng mga suplay sa susunod na linggo.
Matatandaan, ang lalawigan ng Batanes, ang isa sa lalawigang matinding binayo ng bagyong Emong na nagdulot ng malalakas na hangin at mabibigat na pag-ulan dahilan kayat itinaas ang probinsiya sa Signal No.2 sa kasagsagan ng bagyo.