-- Advertisements --

Ibinunyag ni Senador Rodante Marcoleta, chairman ng Senate Blue Ribbon Committee, na may isang contractor na sangkot sa maanomalyang flood control projects ang kasalukuyang nasa ibang bansa. 

Nilinaw ng senador na hindi ito maituturing na pagtakas at wala ring kapangyarihan ang komite na pigilan ang kanilang pag-alis. 

Ipinaliwanag niya na tanging lookout bulletin order lang ang maaaring hilingin ng Senado sa Bureau of Immigration, habang korte lamang ang may awtoridad na maglabas ng hold departure order.

Gayunpaman, binigyang-diin ni Marcoleta na hindi tatanggapin ng Senado ang hindi pagharap ng mga personalidad sa mga pagdinig. 

Nagbabala pa siyang ipaaaresto ang sinumang magtatangkang isnabin ang imbestigasyon.

Hinimok din niya ang mga kontratista na sangkot na ilantad ang mga opisyal ng DPWH at iba pang “malalaking tao” na kasabwat sa mga ghost projects. 

Ayon sa kanya, hindi naman ang mga kontratista ang “most guilty” at maaari silang hindi kasuhan ng kriminal kung babayaran ang danyos at tatapusin ang mga naiwan na proyekto—ngunit kapalit nito, dapat nilang tukuyin ang mga pangunahing responsable.