-- Advertisements --

NAGA CITY- Naitala ang unang kaso ng COVID-19 sa bayan ng Magarao, Camarines Sur.

Kinilala itong si Bicol#739, 47-anyos na lalaki sa Brgy. Sto Tomas ng nasabing bayan.

Sa inilabas na opisyal na pahayag ng lokal na pamahalaan ng Magarao, napag-alaman na isa itong frontliner at empleyado sa Capitol ng Camarines Sur.

Ayon dito, Agosto 5 ng magpositibo ito sa isinagawang rapid test ng pamahalaang probinsiyal kung saan agad naman itong isinailalim sa quarantine sa Bula sa naturang lalawigan.

Agosto 9 nang ito naman ay isailalim sa swab testing at kahapon nang mapag-alaman na positibo ito sa naturang virus.

Sa ngayon, nilinaw naman ng lokal na pamahalaan ng Magarao na hindi isasailalim sa lockdown ang Brgy. Sto Tomas dahil isang linggo na itong nasa pangangalaga ng pamahalaang probinsiyal.

Samantala, kasalukuyan na ring naka-isolate ang mag-ina ng naturang pasyente.