Kinumpirma ng Philippine National Police (PNP) na isa sa mga narecover na buto mula sa Taal Lake ay bahagi ng balakang ng isang tao.
Una nang sinabi ng PNP na mayroong anim na butong nakuha mula sa mga narecover na sako ang natukoy bilang mga buto ng tao.
Batay sa initial report, isa rito ay parte ng balakang ng isang tao, ngunit hindi natutukoy kung mula ito sa mga nawawalang sabungero.
Sa kasalukuyan, patuloy pa rin ang examination na ginagawa ng PNP Forensic Group para matukoy kung ang mga narecover na sako ay naglalaman ng buto ng tao, at kung ang mga ito ay labi ng mga nawawalang sabungero.
Una na ring iniulat ng PNP na hanggang 12 kamag-anak ng mga nawawalang sabungero ang nakuhanan na ng DNA samples at inaasahang madadagdagan pa ito habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Sa kasalukuyan, limang sako na ang narecover mula sa search area habang nagpapatuloy pa rin ang pagsisid na ginagawa ng mga technical diver ng Philippine Coast Guard (PCG).
Tinatapos na rin ng PCG ang paghahanap sa unang quadrant ng search area matapos ang ilang araw na pagsisid at inaasahang tutunguhin na ang iba pang quadrant. Hinati sa apat na quadrant ang search area kung saan pinaniniwalaang itinapon ang labi ng mga nawawalang sabungero.