-- Advertisements --

Nag-reisgn na rin sa kanyang puwesto si Atty. Roland Beltran, bilang isa sa Sugar Regulatory Board member, kasunod ito ng kumpirmasyon ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na tutol siya na iindorso ang pag-aangkat ng 300,000 metriko tonelada na asukal.

Gayunman sa sulat ni Beltran, pangunahing dahilan daw niya sa pagbibitiw sa pwesto na may petsang August 14 ay ang kanyang kalusugan.

sra ROLAND BELTRAN
Atty. Roland Beltran

Ito naman ay naka-address kay Executive Secretary Vic Rodriguez.

Kung maalala noong nakaraang linggo lamang ay nag-resign din si Agriculture Usec. Leocadio Sebastian makaraang sabihin ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles na iligal ang Sugar Order No. 4 bunsod na wala itong approval kay Presidente Marcos Jr., na siyang tumatayong Agriculture secretary at chairman ng Sugar Regulatory Board.

Sa sulat pa ni Beltran, tiniyak naman niya ang kooperasyon sa isasagawang imbestigasyon ukol sa Sugar Order No. 4.

Paliwanag pa niya anuman ang kanyang boto, ito ay nabaliwala na rin dahil sa “conditional” ito kung sakaling walang paglabag sa mga probisyon at batas.

Giit pa ni Beltran, kung tutuusin daw ay umalis na siya sa SRA noon pang July 1, 2022 makaraang mag-expire ang kanyang tour of duty.

Napilitan lamang daw siyang bumalik sa “holdover capacity” nang makatanggap siya ng sulat na pinababalik muna sa puwesto at baka akusahan pa siya ng “dereliction of duty.”