Isang bench warrant ang inilabas ng Quezon City Regional Trial Court laban kay Arnel Pineda, lead vocalist ng American rock band na Journey, dahil sa hindi pagdalo umano sa kanyang arraignment kaugnay ng kasong isinampa ng kanyang dating asawa.
Ang warrant ay inilabas matapos ilang ulit na hindi pagdalo ni Arnel sa korte, sa kabila ng pagtiyak ng kanyang mga abogado na siya’y haharap.
Ang kaso ay may kinalaman sa paglabag sa Anti-Violence Against Women and Their Children Act (RA 9262).
Ayon ulat, sinampahan si Arnel ng kasong marital infidelity at psychological abuse, kabilang ang pagka-kait ng financial support, pag-abandona, at verbal o emotional abuse.
Sa affidavit ng kanyang asawa nakasulat dito na lalo umanong lumala ang kanilang relasyon noong 2021, hanggang sa tuluyan silang maghiwalay.
Isa sa mga inirereklamo niya ay ang umano’y pagdala ni Arnel sa kanilang menor de edad na anak patungong U.S. nang walang pahintulot, habang ito ay nasa tour.
Nakatakda namang humarap ang lead vocalist sa Setyembre 17 matapos isilbi sa kanya ang warrant noong Setyembre 12 na ayon sa mga awtoridad wala ang singer sa nasabing address ng tirahan.
Kaugnay nito bailable ang kaso, at itinakda ang piyansa sa halagang P72,000.
Samantala, hindi pa nagbibigay ng pahayag si Arnel ukol sa isinampang kaso.