-- Advertisements --

Isa pang high-ranking official ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang dinismiss dahil sa umano’y papel sa kontrobersyal na P1.4-billion land acquisition deal na dahilan ng tuluyang pagkakatanggal ni dating Administrator Arnell Ignacio.

Ayon kay Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac, iniimbestigahan na rin si dating Deputy Administrator Emma Sinclair na sunod ding natanggal sa pwesto matapos pumutok ang kontrobersyal na land deal.

Ang naturang imbestigasyon aniya ay upang matukoy ang mga kasong ihahain laban sa dalawang OWWA executive na umano’y pangunahing sangkot sa naturang proyekto.

Una na ring nilinaw ni Sec. Cacdac na ang dalawa ay tinanggal dahil sa umano’y maanomalyang transaksyon, at hindi basta nag-resign sa kanilang pwesto.

Maalalang nabunyag ang naturang land deal matapos itong ipilit ng dating OWWA management sa kabila ng hindi pag-aproba ng Board of Trustees ng OWWA, isang pangunahing requirement sa ilalim ng Republic Act 10801 or the OWWA Act.

Ang naturang lupa sana ay pagtatayuan ng isang halfway house para sa mga overseas Filipino worker.