Tinatayang nasa 25 overseas Filipino workers (OFW) ang kasalukuyang nasa death row, ayon kay Department of Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac.
Ito ang kinumpirma ni Cacdac sa pagbusisi ng panukalang pondo ng Department of Migrant Workers at attached agencies nito para sa 2026.
Ayon kay Cacdac, bumaba na ang bilang ng mga OFW sa death row, lalo na sa Malaysia, matapos ipatupad ng nasabing bansa ang mas maluwag na polisiya hinggil sa commutation ng sentensiya.
Dagdag pa ni kalihim, patuloy ang ginagawang “behind-the-scenes” na ginagawa ng ahensya sa pagtutulungan sa Department of Foreign Affairs (DFA), Office of the President, at iba pang kinauukulang ahensya upang maiwasan ang mga pagbitay at mapalitan ng mas magaan na parusa ang mga sentensiya ng mga Pilipinong nasa death row.
Nalugod naman si Senate Committee on Finance Chairman Senador Sherwin Gatchalian sa pagbaba ng bilang at hinimok ang DMW na ipagpatuloy ang pagbibigay ng legal assistance sa mga OFW na nasasangkot sa mga kaso sa ibang bansa.