Umabot sa 25 mula sa 116 na mga overseas Filipino workers (OFWs) ang kasalukuyang nasa death row, ayon sa ulat ng Department of Migrant Workers (DMW) sa pagdinig ng Senate finance committee.
Ayon kay Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac, bumaba ang bilang ng mga OFW sa death row matapos magbaba ng sentensya ang Malaysia.
Dati umanong nasa 50 hanggang 60 ang bilang ng mga OFW na nahaharap sa parusang kamatayan.
Patuloy din ang koordinasyon ng DMW kasama ang Department of Foreign Affairs at ang Office of the President upang maiwasan ang pag hatol sa bitay, paghiling ng commutation, para makamit ang acquittal para sa mga nasasangkot na OFWs
Hinimok naman ni Senador Win Gatchalian ang pagdaragdag ng legal na tauhan sa DMW. Sa kasalukuyan kasi, mayroon lamang itong 23 na legal retainers at 10 naman sa in-house lawyers, na gumagabay para sa halos 3 milyong OFWs.
Tiniyak din ni Cacdac na katuwang ng DMW ang ilang law firms na nagbibigay ng karagdagang legal assistance.
Dagdag pa ng DMW, bukod sa legal aid, nagbibigay rin ito ng psychological, moral, at financial support sa mga pamilya ng apektadong OFWs, at dinagdagan ang mga pre-departure orientation at legal literacy programs upang maiwasan ang kahalintulad na mga kaso sa hinaharap.
Noong Nobyembre 2024, iniulat sa Senado na may 44 o higit pa ang bilang ng OFWs sa death row, kung saan 41 ay nasa Malaysia, dalawa sa Brunei, at isa sa Saudi Arabia.