-- Advertisements --

Malabong bumaba ang investment rating ng bansa kahit pa naitala ang 16.5 percent contraction sa gross domestic product (GDP) sa second quarter ng kasalukuyang taon, ayon kay Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Governor Benjamin Diokno.

Sinabi ni Diokno na mula Enero hanggang Hunyo ay ibinaba ng ratings agencies na Fitch Ratings at S&P Global Ratings ang ratings ng 82 sovereigns o bansa, at ginawang negative naman ang outlook sa 104 iba pa.

Pero hindi aniya kasama rito ang Pilipinas, dahil sa katunayan ay pinanatili ng mga ratings agencies na ito ang kanilang investment grade ratings na “Baa2” at “stable” outlook para sa bansa.

Iginiit ni Diokno na may malakas kasi na macroeconomic fundamentals ang Pilipinas kaya hindi naman nila nakikitang problema ang pagbulusok sa Q2 GDP ng bansa.

Nanantiling mababa kasi aniya ang debt-to-GDP ng Pilipinas, bukod pa sa isa ito sa may pinakamataas na tax effort sa rehiyon, may “benign” na inflation, may malaking gross international reserves, at magandang banking system may may low non-performing loans. 

Mababatid na sa pamamagitan ng pagkakaroon ng magandang investment grade ratings ay nakakautang ang Pilipinas sa mas mahabang panahon at may mas mababang interest rates.

Nauna nang sinabi ng mga economic managers na ang pagbagsak ng GDP sa second quarter ay resulta ng strikto at komprehensibong lockdown dahil sa COVID-19 pandemic.

Pero ayon kay Diokno, asahan ang malakas na rebound na  6.5 to 7.5 percent pagsapit ng taong 2021. 

“We should look beyond the current crisis. We should craft a strong economic recovery program accompanied by more structural reforms that would allow the Philippines to rebuild better for the future,” ani Diokno.