Ilang bahagi ng Mindanao at Luzon ang nakaranas ng pagbuhos ng ulan kung saan may mga voting precint nang nagtayo ng mga tent upang masilungan ng mga pipilang botante.
Kabilang dito ang bayan ng Jolo sa probinsya ng Sulu kung saan malakas na ulan ang bumuhos sa ilang barangay kaya’t napilitan ang mga botante na makisilong na muna pansamantala sa mga makeshift tent.
Batay sa report na inilabas ng state weather bureau ngayong araw, posibleng magkaroon ng flash flood o mga landslide sa ilang bahagi ng bansa dahil sa mabibigat na pag-ulan na dulot ng frontal system at easterlies.
Inaasahang makakaranas ng mabibigat na pag-ulan ang Extreme Northern Luzon, Metro Manila, at ilang bahagi ng Mindanao, habang ang nalalabing bahagi ng bansa ay inaasahang makakaranas ng bahagyang mga pag-ambon.
Inaasahan ding magkakaroon ng malakas na hangin sa ilang bahagi ng bansa, dulot ng mga naturang weather system.