Kinumpirma ng Department of Education (DepEd) na magkakaroon ng P5,000 cash allowance ang mga gurong may teaching load sa School Year (SY) 2021-2022.
Ayon kay DepEd Usec. Anne Sevilla, sang-ayon sa General Appropriations Act (GAA) 2021, mayroong nakalaang “cash allowance” na P5,000 kada school year sa mga teachers na may teaching load sa susunod na school year na nagkakahalaga ng P4.37 billion.
Pahayag ito ng DepEd matapos sabihin ni Sen. Sherwin Gatchalian na ang budgetary support para sa mga guro ay hindi sapat para sa pagpapatupad ng distance learning sa buong bansa.
Nasa 900,000 rin aniya ang mga guro sa buong bansa at hindi naman daw lahat ay kayang makapagbayad ng para sa internet connection.
Paliwanag pa ng DepEd, kasama na sa P5,000 cash allowance ang teaching aids at supplies, taunang medical examination at internet cost.
Ibibigay din daw ito tuwing “annual o school year basis.”
Ang naturang cash allowance din aniya ay direktang ibibigay umano sa mga guro.
Samantala, inihayag ni Sevilla na may iba pang mga alokasyon na tutulong na masigurong tuloy-tuloy lamang ang pagpapatupad ng distance learning.
Bilang tugon sa hamong dala ng coronavirus pandemic, binuo ng DepEd Basic Education Learning Continuity Plan (BE-LCP) na kasalukuyan din nitong ipinatutupad.