Nilinaw ngayon ng Bureau of Immigration (BI) na pareho pa rin ang international flight travel restrictions sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kahit isailalim na ang Metro Manila sa general community quarantine (GCQ) mula sa modified enhanced community quarantine (MECQ).
Sa isang statement, sinabi ni BI Commissioner Jaime Morente, ang travel restrictions na ipinatupad sa ilalim ng ECQ at MECQ ay siya pa ring susundin maliban na lamang kapag mayroong bagong restrictions o tatanggalin na ito ng gobyerno.
Sa ilalim ng umiiral na guidelines na aprubado ng Inter-Agency Task Force Against Infectious Diseases (IATF), ang mga OFWs; Filipino citizens at kanilang mga spouses at dependents; permanent residents at foreign diplomats ang papayagang makapasok sa bansa.
Lahat naman ng mga foreigners ay puwedeng umalis dito sa Pilipinas ano mang oras pero ang mga Pinoy ay hindi papayagang makaalis maliban na lamang kapag sila ay OFW o holders ng student visa sa kanilang pupuntahang bansa.
Mananatili pa rin naman daw na skeletal at rotational ang deployment ng kanilang mga personnel.
“As a consequence, our operations at the NAIA are still downscaled and our personnel there are still on skeletal and rotational deployment,” ani Morente.
Dagdag ni Morente, karamihan daw sa mga international flights ay suspendido pa rin naman dahil sa travel restrictions na dahilan kung bakit apektado pa rin ang maraming Pinoy maging ang mga banyaga na nais pumasok at lumabas sa bansa.
“Nonetheless, we assure the public that we are always ready to resume full, normal operations in our international airports once the government decides to ease or lift these travel restrictions,” dagdag ni BI chief.
Una rito, sinabi ni BI acting port operations chief Grifton Medina, nananatili pa ring limitado ang international flights mula nang ipatupad ang lockdown noong buwan ng Marso.
Aniya ang NAIA ay mayroong average ng 20 hanggang 30 flights kada araw at ilan sa mga ito ay special flights na nagdadala ng medical supplies at iba pang cargo na papasok dito sa bansa.
Para naman sa mga passenger flights, karamihan sa mga ito ay mga repatriation flights na nagsasakay sa mga overseas Filipino workers (OFWs) pabalik dito sa bansa.
Mayroon din umanong chartered sweeper flights na bumibiyahe para dalhin ang mga stranded na banyaga dito sa bansa pabalik ng kanilang bansa.