CEBU CITY – Iginiit ni Cebu Governor Gwendolyn “Gwen” Garcia na hindi ito lumalabag sa protocol ng Inter-Agency Task Force (IATF) partikular sa swab testing policy ng mga returning overseas Filipinos (ROFs) at overseas Filipino workers (OFWs).
Ito’y matapos makatanggap ng isang text message ang gobernadora mula sa presidente ng League of Provinces of the Philippines na si Gov. Presbitero Jose Velasco Jr.
Sabi umano ni Velasco sa text na mayroong plano ang national government lalo na sina Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque at Justice Sec. Menardo Guevarra na magsampa ng kasong insubordination laban kay Gov. Gwen.
Hindi raw kasi tumalima ni Garcia sa “whole of the nation” approach pagdating sa swab testing policy ng mga pumapasok na OFW at ROFs sa bansa.
Kasama na rin dito ang suspensyon sa ikinasang Executive Order ng gobernadora sa bagong sistema sa pagtanggap ng mga OFWs at ROFs sa lalawigan. Dito ay kanyang giniit na suportado rin ito ng Cebu Provincial Board at mga regional director sa iba’t- bang ahensya ng gobyerno sa rehiyon kasama na ang Department of Health-Central Visayas.
Dagdag pa ni Garcia na hindi ito nagpapahiwatig na paglabag sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte, bagkus, ay layunin niya lamang na mas tulungan pa ang national government na madalian na lang ang proseso para sa OFWs at ROFs na uuwi sa kani-kanilang mga probinsya.
Hiling ngayon ni Garcia na bigyan nalang ng linaw at solusyon ang isyu dahil ang nakakabuti lang sa mga nakakarami lalo na sa mga Sugboanun ang kanyang iniisip.