-- Advertisements --

Umabot na sa P142.29 M ang inisyal na halaga ng pinsalang iniwan ng Super Typhoon Uwan sa sector ng pagsasaka.

Naka-apekto ito sa 4,631 magsasaka at nakasira sa mahigit 8,200 metric tons (MT) ng agricultural products. Umabot din sa 2,482 hectares (ha) ng mga sakahan ang natukoy na apektado, ayon sa Department of Agriculture (DA).

Inaasahang lalo pang tataas ang danyos habang nagpapatuloy ang ginagawang assessment sa malawak na epekto ng naturang bagyo.

Malaking porsyento ng nabanggit na danyos ay mula pa lamang sa Mimaropa at Bicol Region, habang nagpapatuloy pa ring sinusuri ang halaga ng danyos sa iba pang pangunahing naapektuhan ng malakas na bagyo.

Sa kasalukuyan, nakahanda ang P 379.31 million na halaga ng farm inputs na maaring ipamahagi sa mga apektadong magsasaka.

Nakahanda rin ang P 1.24 M na halaga ng animal feeds at supplements para sa livestock at poultry, kasama ang P 771,620 na halaga ng fingerlings para sa mga magsasaka.

Ayon sa ahensiya, sinusuri na rin ng Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) ang mga sakahan na maaaring makatanggap ng insurance claims, upang maagang maipamahagi ang bayad-danyos sa mga magsasaka.