-- Advertisements --

Bumilis ang inflation rate o pagtaas sa pangkalahatang antas ng presyo ng mga kalakal at serbisyo ng bansa sa 1.7% noong Setyembre ng kasalukuyang taon mula sa 1.5% na naitala noong Agosto 2025.

Ito na ang ikalawang sunod na buwan ng pagsipa ng inflation, bagamat mas mabagal naman ito kung ikukumpara sa naitalang 1.9% noong Setyembre ng nakalipas na taon.

Sa pulong balitaan ngayong Martes, Oktubre 7, iniulat ni PSA USec Dennis Mapa na ang pagbilis ng inflation noong Setyembre ay iniuugnay sa mas mataas na halaga ng food at non-food beverages at transportasyon.

Ayon kay USec. Mapa, pangunahing nakaapekto sa inflation sa vegetables, tubers at iba pa ay ang mga kalamidad na nagdulot ng mga matinding pag-ulan at baha na nakaapekto sa mga probinsiyang nagpro-produce ng mga gulay.

Posibleng magtutuloy pa ito sa mga susunod na buwan dahil sa epekto ng mga magkakasunod na bagyo noong Setyembre.

Kabilang sa commodities na nakitaan ng pagsipa sa inflation ay ang repolyo na nasa 53%, pangalawa ang chilis and peppers at pumpkins. Pagdating naman sa rice inflation, bumagal ito sa 16.9 % noong Setyembre mula sa 17% noong Agosto at inaasahang magtutuloy pa ang pagbaba nito sa mga susunod na buwan.

Samantala, umaasa naman ang pamahalaan na mapapanatili ang inflation sa pagitan ng 2% hanggang 4% para sa kasalukuyang taon.