-- Advertisements --

Tumaas sa 2.54 million ang bilang ng mga Pilipinong walang trabaho o negosyo noong Oktubre ng kasalukuyang taon.

Katumbas ito ng 5% na pagtaas, ibig sabihin nasa 50 mula sa 1,000 indibidwal ang walang trabaho o negosyo sa naturang period.

Mas mataas ang naitalang unemployed noong Okubre kumpara sa 1.97 million na naitalang unemployed individuals noong Oktubre ng nakalipas na taon.

Sa press briefing ngayong Martes, Disyembre 10 sa Labor Force Survey noong Oktubre, ipinaliwanag ni Philippine Statistics Aurhority (PSA) USec. at National Statistician Claire Dennis Mapa na ang pagtaas ng unemployed individuals sa bansa noong nakalipas na buwan ay bunsod ng hindi pagkaka-absorve sa trabaho ng ibang nag-participate sa labor market.

Sa year-on-year, ayon sa PSA chief, nadagdagan ng 576,000 ang bilang ng walang trabaho o negosyo, habang nasa 463,000 naman ang nadagdag na nagkaroon ng trabaho.

Ipinaliwanag din ng PSA chief na bahagyang nakaapekto ang tumamang bagyo noong Oktubre sa pagsipa ng bilang ng mga walang trabaho.

Subalit, nakitaan aniya ng pagtaas ng employment sa sektor ng agrikultura noong Oktubre kumpara noong Hulyo kung kailan hinagupit ng malalakas na bagyo ang bansa.

Sa agricultural at forestry, umakyat sa 1.87 mllion ang nagkaroon ng trabaho base sa quarter-on-quarter kung saan pinakamalaking nag-ambag dito ay ang pagtatanim ng palay dahil ang peak season ng rice farming ay sa huling kwarter ng taon. Sumunod ang pagtatanim ng mais at hog farming.