Nakapagtala ng mas mabilis na antas ng inflation rate sa bansa na pumalo sa 6.4% noong Hulyo ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Iniulat ni National Statistician and Civil Registrar General, Usec. Dennis Mapa na isa sa mga pangunahing dahilan ng pagtaas ng inflation noong Hulyo 2022 ay dahil sa mabilis na pagtaas din ng presyo ng mga food at non alocoholic beverages tulad ng isda, karne, asukal, at marami pang iba na mayroong 6.9% na inflation at 64% share sa pagtaas ng pangkalahatang inflation sa Pilipinas.
Inihayag din ni Mapa na bukod dito ay nagpakita rin ng mataas na inflation ang transportasyon sa bansa kung saan naitala naman ang 18.1% na inflation noong Hulyo at 17% na share sa pangkalahatang inflation dahil naman sa pagtaas ng pamasahe sa mga transport service sa bansa.
Nakitaan din ng mataas na inflation ang restaurant and accommodation services na mayroong 3.4% na inflation na naitala sa nasabing buwan at 10.9% na share sa pangkalahatang inflation.
Ang 6.4% na inflation rate na naitala ng PSA nitong buwan ng Hulyo ay ang pinakamataas na antas ng inflation na naitala mula noong taong 2018.
Matatandaan na noong Hunyo 2022 ay nasa 6.1% lamang ang inflation rate ng Pilipinas habang nasa 3.7% naman ang naitalang inflation rate noong Hulyo 2021.