Hinikayat ng animal rights group na People for the Ethical Treatment of Animals (PETA) Asia ang publiko na iwasan ang paggamit ng paputok sa pagsalubong ng Bagong Taon.
Ito’y dahil sa masamang epekto nito sa kalusugan ng tao at lalo na sa kapakanan ng mga alagang hayop.
Sa eksklusibong panayam ng Star FM Cebu kay Jana Sevilla, Senior Campaigner ng PETA Asia, ipinaliwanag nito na ang usok at ingay mula sa paputok ay nagdudulot ng matinding stress at panic sa mga hayop.
Sinabi pa ni Sevilla na kadalasan umanong nagreresulta ito sa panginginig, pagkabalisa, pagtatago, at pagkawala ng gana sa pagkain ng mga alaga.
“Paparating na bagong taon, unang-una is wag gumamit ng mga paputok dahil masama ito sa mga tao pag nalalanghap ang usok ganun din sa mga alagang hayop. Ang sobrang ingay nagko cause ng panic at stress sa mga ito,” saad ni Sevilla.
Bukod sa ingay, binigyang-diin din nito ang panganib ng mga tirang pulbura at basura mula sa paputok na naiiwan na maaaring makalason sa mga hayop kapag nahalo sa tubig o pagkain.
Payo pa ng grupo sa mga pet owners na panatilihin ang kanilang mga alaga sa loob ng bahay, ilayo sa mga lugar na may paputok, at bigyan ng ligtas at tahimik na espasyo.
“Makikita naman talaga natin na parang takot na takot talaga ang mga hayop. Talagang extreme yung naramdamang takot ang mga hayop na epekto ng paputok – balisa, hindi makakain, gustong magtago at nanginginig,” dagdag pa nito.
Makakatulong din aniya ang pagbubukas ng telebisyon o radyo upang mabawasan ang epekto ng malalakas na paputok mula sa labas.
Nanawagan naman ito sa lahat na gawing mas maingat ang pagdiriwang ng Bagong Taon upang masigurong ligtas at maprotektahan ang parehong tao at hayop.
















