-- Advertisements --

Kinumpirma ng Philippine Statistics Authority na nagkaroon ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin o inflation sa bansa nitong buwan ng Agosto.

Ayon kay PSA National Statistician at Undersecretary Dennis Mapa, umakyat ang inflation sa 1.5% nitong nakalipas na buwan.

Ito ay mas mataas kumpara sa 0.9% na naitala noong Hulyo.

Dahil sa pagtaas na ito, naitala ang average inflation para sa kasalukuyang taon sa 1.7%. Ayon sa pamahalaan, ang average inflation na ito ay pasok pa rin sa kanilang target range para sa buong taon ng 2025.

Ipinaliwanag ng PSA na ang pagtaas ng inflation ay pangunahing dulot ng mas mabilis na paggalaw ng presyo ng ilang partikular na produkto at serbisyo. Kabilang dito ang pagtaas ng presyo ng mga gulay at isda sa mga pamilihan. Bukod pa rito, nagkaroon din ng pagtaas sa singil sa kuryente, tubig, at renta sa bahay, na nag-ambag din sa pagtaas ng inflation.

Samantala, sa Metro Manila, ang inflation ay bumilis sa 2.9% mula sa 1.7%. Ang pagbilis na ito ay naiugnay sa mas mabilis na pagtaas ng presyo ng pagkain sa rehiyon.