Pinalawig pa ng India ang ipinapatupad na coronavirus lockdown sa kanilang bansa hanggang Mayo 31.
Ito’y dahil pa rin sa paglobo sa 90,000 ng mga kaso ng COVID-19 sa kanilang bansa, at maging sa nangyayaring girian sa pagitan ng mga pulis at stranded na migrants.
Sa kautusang inilabas ng interior ministry, mananatili pa ring sarado ang mga paaralan, malls, at iba pang mga pampublikong lugar.
Pero luluwagan naman daw ang mga panuntunan sa mga areas na mababa ang bilang ng mga kaso ng coronavirus.
“New guidelines have permitted considerable relaxations in lockdown restrictions,” saad sa social media post ng ahensya.
Ipinagbabawal pa rin umano ang mga malakihang pagtitipon, ngunit papahintulutan na ang ibang mga aktibidad sa labas ng mga containment zones na may malaking bilang ng mga aktibong kaso.
Nasa kamay naman daw ng mga district authorities ang pasya kung saan ilalagay ang mga containment zones.
Una nang nagsabi ang ilang mga estado sa India na kaagad nilang papayagan ang mga negosyo na magbukas para pasiglahing muli ang ekonomiya. (Reuters)